Sunday, June 8, 2014

Kung bakit kita minahal

Natanong na naman ako, bakit daw hindi kita maiwan? Bakit daw kita minahal? Bigla akong natigilan. Napaisip ako kung anong isasagot ko. Bakit nga ba? Sa hinaba-haba ng panahon na minahal kita, bakit nga ba? Pinagisipan ko ng mabuti ang dahilan at sa tingin ko wala ng mas hihigit pa sa rasong ito: dahil minahal mo ako. Minahal mo ako sa panahong mismong ako sumuko na sa sarili ko. Minahal mo ako sa panahong walang wala ako. Minahal mo ako kahit halos alak na lang ang laman ng sikmura ko. Minahal mo ako kahit na wasak na wasak ako noon. Minahal mo ako ng higit sa pagmamahal ng mga nauna kong mga boyfriends. Ipinakita mo sakin na karapat dapat ako sa pagmamahal na seryoso. Minahal kita sapagkat handa kang masaktan para sa akin. Minahal kita sapagkat minahal mo ako. Yun ang pinakamatinding rason kung bakit.

Mahirap ipaliwanag sa lahat kung bakit sa lahat ng tao ikaw pa. Pero pinanindigan ko ang pagmamahal ko sayo. Isang bagay na sa huli pala'y mauuwi din sa isang pamamaalam. Nagbago ka. At kahit ilang ulit pa nating ulitin ang istorya natin, mauuwi't mauuwi rin ito sa hiwalayan. Hindi na ikaw ang lalaking minahal ko...sapagkat ang lalaking mahal ako kailan ma'y hindi ako magagawang lokohin.

Sa totoo lang, akala ko talaga tayo na. Para tayong araw at buwan. Kung gaano iniiwasan ang init ng araw, sya namang paghanga ng mga tao sa kagandahan ng buwan. Ngunit hindi liliwanag ang buwan kung wala ang araw. Kumbaga, ikaw ang araw at ako ang buwan. Maiksi ang pasensya mo. Mainitin ang ulo. Ako naman pasensyosa at handang magparaya. Ikaw at ako'y nabuhay kakabit ang hininga ng isa't isa. Yun ang gusto kong isipin noon.

Maraming nang bagay ang nangyari buhat noon at kahit ang isang romantikong tao katulad ko, na naniniwala sa isang tunay na pag-ibig, ay kailangang bumitaw. Ikaw man ang araw at ako ang buwan, kailan ma'y hindi natin kayang pagsaluhan ang langit sa habang panahon. Sa bawat patak ng luha na dumaloy sa aking mga mata'y sya namang paglalim ng sugat sa aking puso. Ang mga taong pinagsaluhan, aahin pa kung puso ko nama'y upos na upos na. Ang aking mundong umikot sayo, unti-unting tumigil, nadurog at naglaho.

Magiba man ang ihip ng hangin, iyong pagkatandaan, minsang minahal ng buwan ang araw sapat upang hamakin ang lahat. Ngunit ang araw, gaano man ito kalakas, dadating at dadating ang oras kung saan ang liwanag nito'y unti-unting matatakpan ng mga ulap. At ang panahong pagsasamahan ng araw at ng buwan ay tuluyan ng maglalaho. Katulad ng pagmamahal nating dalawa.

No comments:

Post a Comment